MANILA, Philippines - Tiniyak ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na hindi siya maglalaan ng anumang pondo para sa pagbili ng mga contraceptives na kinabibilangan ng pills at condom.
Sa pagbubukas ng President Corazon C. Aquino Public Market sa Baseco, Port Area, sinabi ni Lim kahit singko ay hindi niya paglalaanan ang pagbili ng mga contraceptives para sa family planning.
Ayon kay Lim, mas nanaisin pa niyang pondohan ang edukasyon dahil mas kaila ngan ito ng mga nakararaming Manilenyo.
Kasabay nito, sinabi ng alkalde na hindi makikialam ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa usapin ng reproductive health bill kasabay ng pahayag na dapat lamang na sundin ng bawat Filipino kung ano ang sinasabi ng kanilang relihiyon at ng kanilang mga paniniwala.
Sinabi ni Lim na hindi panghihimasukan ng city government ang paniniwala ng bawat tao o panghihikayat ng sinuman dahil ang bawat Filipino ay may kani-kaniyang pag-iisip
Aniya, hindi pupuwedeng makialam sa relihiyon ng bawat tao. ”Kung ano ang itinuturo ng Katoliko, di naman pupuwedeng ipilit na sundin ng Protestante, in the same breadth na ’di rin pupuwedeng ipilit ng Protestante na gayahin sila ng taga-Iglesia ni Kristo,” ani Lim.
Giit pa ni Lim na hindi maaaring pilitin ang sinuman dahil mas alam ng may katawan at may pamilya kung ano ang makabubuti sa kanilang pamumuhay.