MANILA, Philippines - Isang public school teacher ang nahaharap sa kasong paglabag sa Child Abuse o paglabag sa Republic Act 7610 matapos na ireklamo ng isang high school student na dumanas ng kanyang pananakit.
Dumulog sa Manila Police District Press Corps ang 14-anyos na 2nd year high school student ng Jose P. Laurel High School kung saan sinabi nito ang ginawang pangungurot, panununtok at pagtulak sa kanyang ulo ni Sylvia Paguio, guro sa Social Studies matapos pagbintangang pasimuno ng tulakan.
Ayon kay “Allan”, Oktubre 6 naganap ang pananakit diumano ni Paguio sa loob ng paaralan.
Ipinakita din ng biktima ang pasa sa braso niya na natamo umano sa guro nang papalabas na sila ng paaralan.
Samantala, nagsampa din ng reklamo si “Troy”, 12, out-of-school youth laban sa kapitbahay nitong si Roderick Cuartero, 40, residente ng T. Cruz St., Tondo, Maynila.
Ayon sa biktima, dakong alas-9:30 ng gabi nang sipain umano siya sa mukha ni Cuartero, matapos mapagkamalan na nag-iingay sa lugar . Hinihintay naman ang resulta ng medico legal para sa pagsasampa ng kaukulang kaso laban kay Cuartero.