Binata todas sa pananaksak, 2 kritikal
MANILA, Philippines - Isang tama ng saksak sa sikmura ang tumapos sa buhay ng isang binata matapos na tarakan ng hindi nakikilalang salarin sa lungsod Quezon habang dalawang lalaki naman ang nasa kritikal na kondisyon bunsod din ng pananaksak sa Malabon at Navotas.
Dead-on-arrival sa ospital ang biktimang si Ike Lim Atienza, 32, ng 49 Pension St., SSS Homes, Brgy. North Fairview sa lungsod.
Sa ulat ni PO2 Neil Garnace ng Criminal Investigation and Detection Unit ng (QCPD) nangyari ang insidente sa may kanto ng Bremen St., at Burbank St. ganap na alas-12 ng hapon.
Ayon kay Silvestre Bonto III, tricycle driver, namamasada siya sa nasabing lugar nang biglang dumating ang biktima na hawak ang nagdurugong tiyan at pinara, saka nagmamadaling magpahatid sa kanya sa kanilang bahay.
Subalit dahil sugatan ang biktima ipinasya umano ni Bonto na itakbo na lang ito sa Far Eastern University hospital para malapatan ng lunas, ngunit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas.
Ayon naman sa ina ng biktima na si Aling Leonita, bago ang pangyayari ay may nakaaway umano ang kanyang anak na alyas Julius Muslim.
Samantala, dalawang lalaki din ang nasa bingit ng kamatayan makaraang harangin at pagsasaksakin ng mga hindi pa nakikilalang suspect sa magkahiwalay na lugar sa Malabon at Navotas City.
Inooserbahan sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng saksak sa likod si Rogelio Amora Jr., 20 ng People’s Village, Malabon habang isinugod naman sa Tondo Medical Center sanhi ng mga saksak sa tiyan si Emidio Binigay, mangingisda, 43, ng Adelfa St., Tanza, Navotas.
Sa ulat ng Caloocan Police, galing sa isang lamayan si Amora at papauwi na sa kanyang bahay dakong alas-2:45 ng madaling-araw nang harangin ng kapitbahay nito na nakilala lamang sa alyas Weng-Weng.
Agad na pinagsasaksak ng salarin si Amora at mabilis na tumakas.
Dakong alas-7:30 naman kamakalawa ng gabi nang holdapin ng hindi nakilalang salarin si Binigay habang naglalakad ito sa may Merville Subdivision, Tanza, Navotas. Nabatid na nanlaban umano si Binigay kaya ito pinagsasaksak ng holdadper.
Mabilis na tumakas ang salarin dala ang P9,000 salapi na sinahod ng biktima buhat sa sinalihang paluwagan.
- Latest
- Trending