Swedish dineport

MANILA, Philippines - Isang Swedish national ang ideneport dahil sa pagi­ging wanted sa bansang Denmark sa kasong pagna­nakaw.

Ayon kay Bureau of Immigration officer-in-charge Ro­naldo Ledesma, si Lukas Has­selgren, 38 ay isinakay sa Royal Dutch Airlines flight patungong  Stockholm noong Setyembre 27 matapos ang deportation pro­ceedings, ka­bilang  siya sa blacklist ng BI.

Sangkot umano si Has­selgren sa pagnanakaw ng aabot sa halagang US$10.08 milyon sa isang security cash center sa Copenhagen noong taong 2008.

Kasama ang pangalan ni Hasselgren sa Interpol Red Notice na naging dahilan sa pagdakip sa kaniya ng pinag­sanib na pwersa ng BI Interpol unit at Interpol National Central Bureau (NCB)-Manila sa loob ng condominium unit nito sa Malate, Manila.

Nagbabala din si Le­desma sa mga dayuhan na hindi ta­guan ang Pilipinas ng mga wanted sa batas.

Nagdagdag din ng anim na karagdagang intelligence agents sa interpol unit nito para lalo pang mapalakas ang kapasidad ng ahensya sa paghahanap ng mga dayu­hang kriminal na nagkukubli sa bansa.

Show comments