Illegal recruiter arestado
MANILA, Philippines - Arestado sa isang entrapment operations ang isang lalaki matapos na ireklamo ng kanyang mga biktima ng illegal recruitment kamakalawa ng hapon sa Manila City Hall Police.
Ayon kay Chief Insp. Marcelo Reyes, si Rommel Chua alyas Rommel Salvador, 38 ng no. 29 P. Guevarra St. Sta. Cruz, Manila ay positibong itinuro ng isa sa kanyang mga biktimang si Bolter F. Cruz, 26, Sales Assistant at residente ng Block 9, Lot 4, Las Palmas Subdivision, Bgy. Caypambo, Sta. Maria, Bulacan
Sa pahayag ni Cruz kay SPO3 Amador Jareño, inalok umano siya ng suspect kung gustong mag-aplay sa kanyang agency (RSC travel consultant) at bibigyan ng trabaho sa bansang Macau bilang “butler” sa isang Casino na may buwanang sahod na P30,000 hindi pa kasama ang overtime.
Hiningi umano ng suspect ang kanyang contact number at nitong nakaraang Setyembre 28, 2010 ay nakatanggap siya ng text message sa suspect na nagtatanong kung interesado siya sa trabaho.
Dito ay sinabihan siya ng suspect na magbigay lang ng halagang P10,000 para sa pagpapaayos ng kanyang mga kailangang dokumento at asahan niya na sa loob lamang ng isang linggo ay makakaalis na siya patungong Macau para makapagtrabaho.
Nagkasundo umano silang magkita sa coffee shop sa loob ng isang department store kung saan niya ibinigay ang paunang P10,000 ng walang inisyu na resibo bilang katibayan na tinanggap ng suspect ang pera.
Oktubre 5, 2010 ng muli siyang tawagan ng suspect at muli siyang hingan ng halagang P8,620.00 para naman umano sa panglagay sa Chinese Embassy at ipadala daw sa LBC at kinabukasan umano (Oct. 6, 2010) ay makakaalis na siya.
Agad niyang ipinadala ang nasabing halaga sa pangalan ng suspect na Rommel Salvador at kinabukasan ng umaga ay agad naman niyang inimpake ang kanyang mga gamit sa pag-aakalang makakaalis na siya.
Subalit nang tawagan niya ang cellphone ng suspect ay hindi na niya ito ma-contact. Makalipas ang ilang minuto ay nag-text ang suspect at humingi ng despensa sa pagkaantala ng kanyang pag-alis na lingid sa kaalaman ng suspect ay natunugan na ng biktima na niloloko lamang ng huli.
Muli umano siyang hiningan ng P2,000.00 para naman sa padulas sa Immigration Officer sa NAIA at magkita naman sila sa isang restaurant.
Kaya’t kasama ang policewoman na hipag ng biktima na si PO1 Roselda Jubilo ay lumapit na sila kay Reyes para sa entrapment operation na isasagawa sa ikahuhuli ng suspect.
Habang iniimbistigahan ay dumagsa naman ang iba pang mga nabiktima ng suspect sa tanggapan ng MCHPO na mas lalong nagpadiin sa kasong kakaharapin nito. Nakatakdang sampahan ng kasong large scale estafa at illegal recruiter ang suspect sa piskalya ng Maynila.
- Latest
- Trending