MANILA, Philippines - Masuwerteng nalusutan ng isang 62-anyos na barangay chairman ang banta ni kamatayan nang makaligtas bagamat nagtamo ng dalawang tama ng bala sa kaliwang balikat at kanang siko, nang pagbabarilin habang nag-iinspeksiyon ng drainage sa kaniyang nasasakupan sa Tondo, Maynila, kahapon ng umaga.
Ginagamot ngayon sa Mary Jhonston Hospital ang biktimang si Barangay 20, Zone 2 District 1 Chairman Viviano Navarra, ng Purok 1, Isla Puting Bato, Tondo.
Inatasan na ni Supt. Ferdinand Quirante, hepe ng Manila Police District-station 2, ang kanyang mga tauhan na tugisin ang hindi nakilalang suspek na armado ng kalibre .38 baril na nakatakas matapos ang pamamaril.
Naganap ang insidente dakong 6:45 ng umaga, sa Gate 10 Area B Parola Compound.
Habang nag-iinspeksiyon ng mga drainage system ay nilapitan si Navarra ng suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril bago humarurot sakay ng isang walang plakang motorsiklo.
Agad siyang isinugod sa Gat Andres Bonifacio Hospital bago inilipat sa Mary Jhonston Hospital.
Ani Quirante, maaring may kaugnayan sa pulitika ang pananambang o di kaya’y galit ng mga residente sa kanilang chairman nang magsagawa sila ng saturation drive noong Huwebes sa Isla Puting Bato, kung saan may 40 katao ang dinampot na karamihan ay may kaugnayan sa iligal na droga.