Babae 'di gumamit ng overpass, lasog sa taxi
MANILA, Philippines - Isa na namang pedestrian na hindi gumamit ng tamang tawiran o overpass ang nasawi makaraang mabundol ng isang taxi habang papatawid sa isang kalsada sa Quezon City.
Dahil walang pagkakakilanlan, inilarawan ang biktima sa edad na 30-40, may taas na 4"11, morena, nakasuot ng kulay asul na t-shirt, at kulay gray na short pants.
Nagawa pa siyang maitakbo ng nagmamalasakit na taumbayan sa Quezon Memorial Medical Center, ngunit idineklara ding patay.
Natukoy naman ang driver ng taxi na si Rodrigo Manalili, 38, may-asawa ng Sampaguita Inaon Pulilan, Bulacan.
Sa ulat ni PO3 Henry Se, ng traffic sector ng Quezon City Police, nangyari ang insidente sa may Katipunan Road, Harap ng Ateneo de Manila, pasado alas-5 ng hapon kamakalawa.
Diumano, minamaneho ni Manalili ang kanyang Toyota Vios taxi (TXH-249) at tinatahak ang nasabing lugar nang biglang mabangga nito ang tumatawid na biktima.
Sa lakas ng impact, tumilapon ang biktima sa kalsada sanhi upang magtamo ito ng matinding pinsala sa katawan.
Sinasabing ilang hakbang lamang mula sa lugar ng pinangyarihan ng insidente ay naroon ang itinayong overpass, subalit hindi ito ginamit ng biktima sa halip ay nagbakasakaling tumawid sa kalsada na ugat para siya maaksidente.
Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang naturang suspect habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng biktima.
- Latest
- Trending