Taxi driver akala'y holdaper ang 2 pasahero, idiniretso sa presinto
MANILA, Philippines - Dahil sa hinalang mga holdaper ang kanyang pasahero, idiniretso ng isang taxi driver sa presinto ang mga ito dahilan para idemanda siya ng mga ito na napag-alamang mga empleyado pala ng Supreme Court.
Kasong Alarm and Scandal ang kinakaharap nina Ramir Roldan, taxi driver ng GMAT Transport Cooperative ng 381 Coral St., Tondo, Manila; Apolinario Bernabe, 41, may-asawa, messenger ng SC ng 27 Ruby Ville Subd., Lazano St., Valenzuela St., Valenzuela City at Ronald Rey Lopez, 30, Utility ng SC ng Block 16 Lot 1 Univille Subd., Cabanatuan City.
Sa ulat ni PO3 Abelardo Aguilar ng Manila Police Department-General Assignment Section (GAS), dakong 8:45 ng gabi nang dalhin ni Roldan sa harapan ng MPD headquarters ang pasahero niyang sina Bernabe at Lopez, na inakala niyang mga holdaper dahil nagpakilala umanong NBI agents at mga lasing na nais magpahatid sa Valenzuela.
Sa panig naman ng 2 SC employee, sila ang nag-utos na ibaba sila sa MPD dahil sa pagtanggi ng driver na ihatid sila sa Valenzuela at nanakot at nagpakilala pa umano ang driver na isa siyang miyembro ng ‘Magdalo soldiers’, hanggang sa magbatuhan ng akusasyon na nauwi sa komprontasyon sa harap ng imbestigador.
Dahil dito, silang tatlo ang ipinagharap ng reklamo ng imbestigador. Maghahain naman ng reklamo ang driver laban sa 2 SC employees at ang huli din ay maghaharap naman ng kaso sa driver.
- Latest
- Trending