Preso tumalon sa QC hall of justice
MANILA, Philippines - Nagulantang ang mga mamamayan at empleyadong nasa loob ng gusali ng hall of justice sa Quezon City, makaraang tumalon mula sa ika-apat na palapag nito ang nakaposas na preso na nakatakdang isalang sa inquest proceedings sa piskalya dito, kahapon ng umaga.
Si Jonathan Castor, 30, na nahaharap sa kasong maliscious mischief ay walang malay na itinakbo sa malapit na ospital dahil sa pagtalon nito mula sa 4th floor ganap na alas-9 ng umaga.
Ayon sa pulisya, hindi pa nila alam kung anong pakay nito sa kanyang pagtalon, o kung plano ba nitong tumakas o magpakamatay.
Si Castor, ng 243 Sanchez St., Malabon City ay inireklamo ng mga kagawad ng MMDA dahil sa pambabato nito sa kanilang service vehicle kamakalawa.
Bago ang insidente, nakaupo umano ang biktima sa tapat ng receiving section ng piskalya at katabi nito ang complainant ng bigla itong tumayo at nagtatakbo patungong beranda saka lumundag.
Sinabi ni PO2 Jonathan Bustarde, kasama sa nag-escort sa biktima, tinangka pa nilang pigilan ang preso matapos mahawakan ito sa hita pero dahil masyadong mabigat at hindi mahigpit ang kanilang pagkakahawak ay nagtuloy-tuloy itong mahulog paibaba.
Agad itinakbo ang biktima sa East Avenue Medical Center at ngayon ay inoobserbahan.
Bantay sarado ngayon si Castor ng mga otoridad sa naturang ospital upang masigurong hindi na gagawa pa ng anumang aksyon. (Angie dela Cruz/Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending