MANILA, Philippines - Nakikipag-uganayan ngayon ang Homeland Security of the United States sa Philippine National Police (PNP) ukol sa nakumpiskang 12 Indonesian-made Galil assault rifles sa isang Chinese national sa Las Piñas City na posible umanong may kaugnayan sa terorismo.
Sinabi ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, Director Leocadio Santiago Jr. na nais malaman ng Homeland Security kung normal na export ang mga baril buhat sa Indonesia, ninakaw sa warehouse o iligal na ipinasok sa Pilipinas.
Nakikipag-ugnayan na ngayon ang NCRPO sa mga awtoridad ng Indonesia upang mabatid ang pinagmulan ng naturang mga armas na nakumpiska buhat kay Herbert Tan Tiu, 43, nangungupahan sa #1-C Dominic St., Metrocor Southgate, Brgy. Talon 3, Las Piñas.
Nananatili naman umanong tikom ang bibig ni Tan Tiu sa pagkakakilanlan ng sinasabi nitong kaibigang dayuhan na nagpabantay sa kanya ng mga baril at siyang tunay na rumerenta sa apartment na kanyang tinutuluyan.
Nabatid naman na ang mga naturang armas na nakumpiska dito ay ang “Israeli-type na Galil rifles” na ginagawa sa Indonesia.
Nangangamba ang Homeland Security na maaaring matagal nang nagaganap ang pagpapalusot ng armas at bumabagsak sa kamay ng mga terorista.
Nakipagkoordinasyon na rin ang NCRPO sa Armed Forces of the Philippines (AFP) upang mabatid kung ginagamit ang naturang uri ng mga armas ng mga teroristang Abu Sayyaf at iba pang grupo. Nakikipag-ugnayan na rin sila sa Philippine Coast Guard upang malaman kung bahagi ang mga baril ng nakumpiskang “shipment” ng armas sa Mariveles, Bataan noong nakaraang taon. Nakuha sa M/V Captain Ufuk ang 54 na Galil rifles na nagkakahalaga ng P25 milyon.