MANILA, Philippines - Isang 65 -anyos na lola na umano’y sangkot sa pagbebenta ng droga ang naaresto sa ginawang pagsalakay ng tropa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa tinaguriang shabu tiangge sa lungsod Quezon kahapon ng hapon.
Sa inisyal na impormasyong ibinigay ni Metro Manila Regional Office-PDEA chief Supt. Wilkins Villanueva, nakilala ang lola na si Norma Laurente, alyas Nanay, residente sa Ilagan St., Brgy. Paltok sa lungsod.
Bukod kay lola, isasailalim din sa pagsisiyasat ang ilang residente na sina Alfred Laurente, 22; Ryan Francisco, 30; Alvin Camacho, 21; Roland Gallardo, 21; at Julie-Ann Laurente, 21; matapos na maaktuhang nasa lugar nang isagawa ang raid.
Ang raid ay ginawa sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Manila Regional Trial Court branch 21 sa pangunguna ni Executive Judge Amor Reyes na may petsang Oct. 5, 2010.
Sinabi ni Villanueva, partikular na target ng search warrant ang bahay ni lola, alyas Marino at alyas Inday na pawang mga pinaniniwalaang tulak ng nasabing droga, base na rin sa tip ng kanilang impormante.
Pasado alas -3 ng hapon nang salakayin ng tropa ni Villanueva ang nasabing lugar, kung saan nadakip ang lola.
Nagawa namang makatakbo ni alyas Marino sa pamamagitan ng pagdaan sa rooftop ng kanyang bahay.