MANILA, Philippines - Nakumpiska ng mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang sangkaterbang matataas na kalibre ng baril sa loob ng bahay ng isang Chinese national, kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 8294 (Illegal Possession of Firearms and Ammunition) ang suspek na si Herbert Tan Tiu, 43, nangungupahan sa No. 1-C Dominic St. , Metrocor Southgate, Brgy. Talon 3, ng naturang lungsod.
Nakumpiska sa loob ng bahay ni Tiu ang 14 na unit ng Indonesian-made SS1-V1 Kal. 5.56mm assault rifles; 102 pirasong magazine para sa SS1-V1 rifles; 1 Glock 9mm pistol na may dalawang magazine; 45 bala para sa 9mm pistol; at 10 holsters.
Nabatid na nagkakahalaga ang naturang mga baril ng P200,000 bawat isa at posibleng umakyat pa ang halaga nito kapag naipasok na sa “black market”.
Nabatid na pinasok ng mga pulis sa pangunguna ni PChief Insp. Rene De Jesus ng Regional Police Intelligence Operating Unit (RPIU) ang bahay ni Tiu dakong alas-12:35 ng madaling-araw sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Amor Reyes ng Manila Regional Trial Court Branch 21.
Sinabi ni NCRPO chief, Director Leocadio Santiago Jr. na isang masusing imbestigasyon na ang kanilang isinasagawa kung saan tinututukan nila ang posibilidad na bahagi ang mga nakumpiskang baril sa nabigong smuggling ng armas sa Mariveles, Bataan noong nakaraang taon.
Sinabi naman ni Tiu na pag-aari ng isang kaibigan na isa ring dayuhan ang mga nakumpiskang mga baril na ibinilin lamang sa kanya.
Tahasan rin nitong itinanggi na ibinebenta niya ang naturang mga baril sa mga kustomer.