MANILA, Philippines – Matapos na magpatupad ang mga shopping malls at supermarket sa paggamit ng plastic bag tuwing araw ng Miyerkules, isang ordinansa naman ang isinulong sa Konseho ng Maynila kung saan tuluyang ipinagbabawal sa mga residente ang paggamit, pagbebenta o paggawa ng plastic bag sa lungsod.
Sa draft Ordinance No. 7272 ni Manila 1st District Councilor Numero Lim, mahigpit ang pagbabawal sa sinuman na gumamit ng mga maninipis na plastic bags na nagtataglay ng mas mababa pa sa 50 microns dahil ang mga ito ay hindi natutunaw at dahilan ng pagbabaha sa Maynila.
Ayon kay Lim, ang Tutuban ay isa sa establisimento na kilala sa paggamit ng maninipis na plastic bag na mula sa China. Hindi rin umano maika kaila na marami ang nagtutungo sa lugar upang mamili.
Sinabi ni Lim na karamihan sa mga Pinoy ay walang disiplina sa pagtatapon ng plastic bag at maging ng kanilang mga basura kung kaya’t mas makabubuting ipagbawal na lamang ang paggamit ng mga ito.
Inirekomenda rin ng ordinansa ang pagpapataw ng P4,000 sa sinumang lalabag o pagkakakulong ng tatlong araw o parehong parusa kung ang lumabag ay manager, president, chairman of the board of directors, o managing partner ng kompanya, company, association, corporation, o partnership.