15 pulis tetestigo sa Ampatuan ililipat ng selda
MANILA, Philippines - Ililipat na ng selda ang 15 akusadong pulis na posibleng gawing testigo sa Maguindanao massacre.
Ito ang tugon ng QC Court sa request ng mga abogado ng pamahalaan na ilipat sa PNP Custodial Center sa Camp Crame ang mga pulis dahil sa intensiyon ng mga itong tumestigo kaugnay ng krimen at upang matiyak ang kaligtasan ng mga ito.
Gayunman, ang paglilipatan ng naturang mga pulis ay sa loob pa rin ng bakuran ng Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig City hiwalay lamang ang mga ito ng selda sa iba pang mga akusado sa Maguindanao masaker tulad ng mga Ampatuan.
Sa kanyang 7-pahinang Omnibus Order noong Setyembre 28, ipinag-utos ni Quezon City Regional Trial Court (QC RTC) Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes ang paglilipat ng 15 pulis mula sa QCJ annex patungo sa Security Intensive Care Area ng Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa.
Kabilang sa mga ililipat ng selda sina SPO2 Badawi Bakal, C/Insp. Sukarno Dicay, SPO1 Eduardo Ong, PO3 Felix Enate, Jr., PO3 Anton Rasid, PO3 Abdulgani Abibudin, PO2 Saudi Pasutan, PO2 Nana Hamad, PO2 Saudiar Ulah, PO2 Hernani Saulong Decipulo, PO1 Esmail Guialal, PO1 Abdullah Bauguadatu, PO1 Esprielito Lejarso, PO1 Herich Amaba at PO1 Michael Masdig.
Iginiit ng prosekusyon na pinagbantaan umano ni Andal Ampatuan, Jr. ang isa sa mga pulis upang mapigilan itong ituloy ang planong maging state witnesses ng gobyerno.Inilabas ni Judge Solis-Reyes ang kautusan sa kabila ng nakatakda pa lamang magsumite ng motion to discharge ang prosekusyon para sa 15 pulis upang kilalanin na ang mga itong saksi.
Hindi naman tinugunan ng korte ang kahilingan ni QCJ annex jail warden J/Insp. Ermilito Moral na ilipat si Dicay sa iba pang selda na hiwalay sa kapwa nito mga pulis .
- Latest
- Trending