Empleyado ng PAL, patay sa kotse ni Congressman

MANILA, Philippines - Agad na nasawi ang isang empleyado ng Philippine Air­lines (PAL) makaraang ma­bun­dol ng kotse na minama­neho ng pamangkin ni Isabela Rep. Napoleon Dy, kahapon ng madaling-araw sa Taguig City.

Hindi na umabot ng buhay dahil sa pagkabasag ng bungo sa Taguig-Pateros Hospital ang biktimang nakilalang si Ariel Vicente Cruz, 43, ng CF Tuazon St., Pateros.

 Kusang-loob namang sumuko sa mga awtoridad ang nagmamaneho ng naka­banggang Toyota Camry na may plakang numero 8 na si Bernard La Madrid Dy, 33, ng Nightingale St., Green Mea­dows Subdivision, Quezon City.

Sa ulat ng Taguig Police Traffic Enforcement Unit, na­ganap ang aksidente dakong alas-2:13 ng madaling-araw sa Lawton Avenue sa loob ng Fort Bonifacio na sakop ng naturang lungsod.

 Lulan ang biktima ng kan­yang motorsiklo (TS-9950) at binabagtas ang naturang kal­sada nang biglang sumulpot umano ang Camry na mina­maneho ni La Madrid.  Dito na­salpok ng kotse ang motor­siklo sanhi upang tumilapon ang biktima at mabagok ang ulo.

Lumabas sa inisyal na im­bestigasyon na nag-counter flow o sinalungat ni Dy ang daloy ng trapiko sa pagma­madaling makauwi sa ka­nilang tirahan kaya’t nasalpok niya ang kasalubong na motor­siklong sinasakyan ng biktima na nasa tamang lugar.

Napag-alaman na numero 8 ang plakang nakalagay sa harapan ng kotse ni Dy at ZKZ-625 naman ang naka­lagay sa gawing hulihan ng sasakyan kaya’t inaalam pa ng pulisya kung kanino naka-rehistro ang naturang sa­sakyan.

Tiniyak naman ni Dy sa pulisya na hindi niya tatak­buhan ang responsibi­lidad at pananagutan niya kung ano man ang kasong isasampa laban sa kanya.

Show comments