Comelec kinalampag sa recount sa Maynila
MANILA, Philippines - Muling kinalampag kahapon ni dating Environment Secretary Lito Atienza ang Commission on Elections (Comelec) upang hilingin na simulan na ang manual recount ng mga boto sa Lungsod ng Maynila noong May 10 election.
Sa ikalawang urgent motion to start manual recount na inihain ni Atienza sa Comelec, hiniling nito na simulan na ang manu-manong bilangan sa mga boto sa Maynila at kinuwestyon kung bakit hindi pa sinisimulan ng Comelec ang recount gayung natapos na ang preliminary conference sa inihain niyang election protest at nakapagbayad na rin naman sila ng mahigit sa P10 milyong cash deposit. Iginiit sa mosyon na mahalaga na masimulan na ang recount dahil nabatid nila na may mga balota ng nabasa habang nasa pangangalaga ito noon ng pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Nangangamba si Atienza na kapag natagalan pa ang simula ng recount ay mabura na ng tuluyan ang mga nakasulat sa balota. Iginiit pa ni Atienza na dapat na umaksyon kaagad ang Comelec matapos na ihayag ng PPCRV na mayroong kaduda- dudang nabasa ang PCOS machines sa mga balota para sa mayoralty race noong nakaraang eleksyon.
- Latest
- Trending