8 miyembro ng CIDG Camp Crame, nahaharap sa patung patong na kaso
MANILA, Philippines - Bukod sa mga kasong criminal at administratibo na inihain sa Ombudsman at National Police Commission (Napolcom), sasampahan din ng Neptune Metal Scrap Recycling, Inc. ang walong pulis na nakatalaga sa CIDG-NCR ng Camp Crame, Quezon City, dahil sa umano’y pagtangay sa container van ng naturang kompanya at pagkawala ng mga kargamento nitong birch copper na nagkakahalaga ng humigit kumulang sa P6-M matapos itong iwan sa compound ng Camp Karingal, Sikatuna, Quezon City.
Sa sandaling mapatunayang nagkasala, malamang matanggal sa serbisyo at makulong ang mga akusadong sina PO3 Joel T. Borda, PO1 Consencino Consencio, SPO1 Ismael Arizala, PO1 Elmer D. Ocampo, SPO2 Gaudencio Catapang, P/Insp. Buenaventura, P/Chief Insp. Fernando Reyes, at P/Sr. Supt. Pedro Cabatingan, Jr. na pawang taga-CIDG, Camp Crame.
Nabatid na noong Agosto 10 ng taong kasalukuyan, binabagtas ng truck na may plakang RHA-494 na minamaneho ni Rolando Flores kasama ang pahinanteng si Ihannery Hupa ang kahabaan ng Letre Road, Malabon City patungong Manila International Container Port habang hila ang container cargo van nang pahintuin at sitahin sila ng mga pulis na sina Arizala, Borda, Ocampo, Reyes at ng iba pang ‘di nakilalang kalalakihan.
Ayon kina Flores at Hupa, sa utos ni Cabatingan ay agad silang dinakip nang walang anumang paliwanag at ipiniit sa Camp Crame sa loob ng tatlong araw.
Bago ito, sinabi pa nina Flores at Hupa na sa simula ay pilit ipinakokontak sa kanila ng grupo nina Cabatingan ang kanilang amo upang “ayusin ang problema” umano na kanilang kinakaharap, pero tinanggihan ito ng kanilang amo.
Samantala, mula sa Camp Crame, ang container van na basta na lang iniwan sa compound ng Camp Karingal ng grupo ni Cabatingan nang wala man lang pormal na paglilipat ng kustodiya dito ay pinahintulutang mabuksan nitong nakaraang Sept. 28 matapos aprubahan ng Malabon City RTC-Branch 170 ang inihaing mosyon ng Nicolas & De Vega Law Offices, legal counsel ng Neptune.
Ang pagbubukas sa container van ay sinaksihan ng court sheriff, ilang media practitioner, tatlong tauhan ng Neptune at anim na abogado mula sa Nicolas & De Vega Law Offices. Dito napag-alaman na tatlong bundle na lamang ang natira sa 13 bundle ng birch copper na dating laman ng container van.
- Latest
- Trending