Vice-mayor huli sa gun ban
MANILA, Philippines - Posibleng maharap sa kasong paglabag sa Comelec gun ban ang isang Vice-Mayor sa Rizal matapos na makuhanan ito ng 9mm na baril sa isang checkpoint sa Quezon City, iniulat kahapon. Kinilala ang nadakip na si Vice Mayor Jonas Cruz ng Rodriguez, Rizal.
Naganap ang pagdakip noong madaling-araw ng Martes sa isang checkpoint sa Gravel Pit corner, Payatas Road, Molave St., Brgy. Payatas sa lungsod.
Nagsasagawa ng checkpoint ang tropa ng Batasan Police Station 6 sa pamumuno ni Chief Insp. Wilfredo Alfonso at 13 pang tauhan nito nang sitahin nila ang isang puting Nissan Urban (NVQ-608) na minamaneho ng bise alkalde.
Sinasabi sa ulat, kusa namang nagpasita si Cruz sa mga operatiba, ngunit habang nagsasagawa ng inspeksyon ay napuna ni Alfonso ang isang pistola na nakalagay sa matting ng sasakyan na siyang dahilan para pigilan ito. Narekober kay Cruz ang isang pistola at magazine na may 10 rounds ng bala.
Sa beripikasyon, nabatid na ang firearm licenses card ng baril na hawak ng bise alkalde ay inisyu noong May 5, 2008 at may expiration date na May 22, 2010, dahilan para dalhin ang bise alkalde sa tanggapan ni Supt. Marcelino Pedroso ng PS6.
- Latest
- Trending