MANILA, Philippines - Sinisilip na ng Manila Police District (MPD) ang anggulong may sadyang nanggulo sa ginanap na street revelry o pagsalubong sa mga kumuha ng Bar exams noong Linggo sa tapat ng De La Salle Uni versity sa Taft Avenue, Manila.
Kasabay nito, kumpirmadong isang MK2 fragmentation grenade ang ginamit na pampasabog na iniwan sa kumpol ng mga law students sa naganap na Bar Ops.
Ayon kay MPD Officer In Charge, Chief Supt. Roberto Rongavilla, mahirap umanong mag-speculate subalit sa naging pakikipag-ugnayan ng mga imbestigador, wala sa roster ng miyembro ng Alpha Kappa Rho ang pinangalanang estudyante na sinasabing posibleng responsable sa pagpapasabog na ikinasugat ng may 50 katao at pagkaputol ng mga paa ng dalawang babaeng law students.
Masusi umano nilang inaalam kung may mga nakigulo o inutusang manggulo sa hanay ng mga law students.
Kaugnay nito, umapela naman si Atty. Elaine Bathan, assistant dean ng University of San Jose Recoletos Law School, na hindi dapat sabihing suspect si Jed Carlo Lazaga at sa halip isa umano itong biktima ng pambubugbog at pagnanakaw ng isang grupo na nanggulo sa street revelry.
“I went here to clarify reports branding our student Carlo Lazaga to be a suspect in last Sunday’s blast. In fact, we believe he was innocent because during the time that he was ganged up by a group of men and even robbed him of his belongings, including his wallet,” paliwanag ni Bathan.
Sinabi umano ni Lazaga na iniulat pa niya ito sa Manila Police District-Station 9 dahil sa natamong mga bugbog nang kuyugin siya ng umanoy miyembro ng Tau Gamma Fraternity at binantaan siya na papatayin. Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang kumpirmasyon kung anong uri ng pampasabog ang ginamit sa nasabing insidente.