MANILA, Philippines - Isang dalaga ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa kanyang sentido sa loob ng tinutuluyang condominium ng kanyang kapatid na lalaki, bago ito tuluyang lumipad patungong Switzerland, ayon sa Quezon City Police kahapon.
Nasawi habang ginagamot sa Quezon Memorial Medical Center si Ellen Duclan, 27, ng Bingao, Baguio City.
Ayon sa pulisya, ganap na alas-12 ng tanghali nang madiskubre ang duguang biktima sa quarters room ng Unit 310 Calderon St., panulukan ng J. P. Rizal St., Project 4 sa lungsod.
Ang naturang condominium ay pag-aari ng kapatid ng biktima na si Edwin. Gamit ng nasawi sa pagpapakamatay ang baril ng boyfriend nitong si Allan Paguirigan na nagsabi sa imbestigador na hindi niya alam na dinala ito ng una.
Bago nito, inihatid pa ni Paguirigan si Duclan sa bahay ng kapatid matapos magpunta sa kanyang ahensya dahil sa paalis na ito kahapon patungong Switzerland para magtrabaho.
Sinasabing matapos makisalo ang biktima sa tanghalian sa kanyang pamilya at syota, ay pumasok na ang una sa nasabing kuwarto at inilock ito. Ilang sandali, bigla na lamang umanong nakarinig ng putok sa loob ng kuwarto at nang buksan ay tumambad na ang duguang katawan ng biktima.
Narekober sa insidente ang isang lisensyadong baril na kalibre 9mm.
Nagtataka ngayon ang pulisya maging ang pamilya ng biktima kung ano ang dahilan ng pagpapakamatay nito, gayong papaalis na ito ng bansa para magtrabaho.