MANILA, Philippines - Patay ang dalawang lalaki makaraang sumalpok sa poste ang sinasakyan nilang motorsiklo nang iwasan ang nakatirik na kandila sa lugar na doon din may naging biktima ng hit and run sa Navotas City kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot si Roscel Maghukot, habang dead-on- arrival sa Tondo Medical Center ang hindi pa nakikilalang angkas nito. Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na alas-7:30 ng gabi, binabagtas ng mga biktima sakay ng Lucky Star (6795-NE) ang kahabaan ng Honorio Lopez Blvd., Brgy. San Rafael, Navotas, kung saan iniwasan ni Maghukot ang nakatirik na kandila sa kalsada, sa pag-iwas ay nawalan ito ng kontrol hanggang sa sumalpok sa isang poste.
Sa lakas ng pagkabangga ay tumilapon ang mga biktima na naging dahilan ng kanilang kamatayan. Nabatid na isang hindi pa nakikilalang lalaki ang nagtirik ng kandila matapos na may naunang nasawi na rin sa lugar na sinasabing biktima ng hit-and-run.