MANILA, Philippines - Tukoy na ang isa sa sinasabing responsable sa pagpapasabog sa harapan ng De La Salle University nitong Linggo ng hapon na nauwi sa pagkakasugat ng umaabot na sa 50 katao sa huling araw ng Bar examination, batay sa ulat kahapon.
Kasabay nito, isang Task Force ang binuo para sa agarang ikalulutas sa naturang pagpapasabog at tuluyang pagdakip sa mga taong responsable dito.
Sa pinakahuling report, isa umanong miyembro ng fraternity na pinangalanang si Jed Carlo Lazaga alyas “Jessie”, tubong Cebu ang tinutukoy na kasama ng isa pang estudyante na naghagis ng bomba.
Base sa report na nakalap ng Task Force, ang nasabing suspect ay ginulpi ng kalabang fraternity at nagawa pang magreklamo umano sa MPD-Malate Police Station 9. Ayon kay Insp. Armando Macaraeg, naatasang mamuno sa imbestigasyon, target umano ng frat na AKRHO ang mga miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity nang hagisan ng pampasabog subalit ang natamaan ay ang katabing grupo ng Alpha Phi Beta Fraternity ng San Beda College na rito marami ang nasugatan.
“Yung naghagis ng bomba, hindi tumama dun sa talagang target niya. Kaya ang tinamaan ’yung mga taga San Beda,” paliwanag ni Macaraeg.
Ayon naman kay Chief Supt Roberto Rongavilla, Officer-in-charge ng MPD, posibleng pillbox, molotov bomb o fragmentation grenade ang ginamit na pampasabog subalit ayon sa source, isang MK2 fragmention grenade ang ginamit dahil sa lakas ng pagsabog.
Ayon naman sa isang saksi na ayaw magpabanggit ng pangalan at isa sa mga nasugatan, personal na nakita nito ang isang lalaki na nakasuot ng itim na jacket at t-shirt na may tatak at logo ng “Alpha Kappa Rho.
Dagdag pa ng saksi na ang nasabing lalaki ay nasa kabila ng Taft Ave., nang ihagis nito ang isang bomba subalit kinapos ito sa talagang target kaya pumutok sa mga grupo ng estudyante ng San Beda.
Nabatid na nagsasagawa ng tradisyunal na street revelry ang mga biktima sa huling araw ng Bar examinations nang may sumabog dakong alas-5:15 ng hapon sa tabi ng DLSU.