MANILA, Philippines - Nagbabala ang Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service (PAGASA) laban sa posibleng paglala ng temperatura ng bansa kung saan maaari umanong magmistulang “pugon” na ang Pilipinas pagsapit ng 2100.
Sa ginanap na pulong balitaan sa Tinapayan sa Dapitan, sinabi ni Lourdes Tibig, retired Philippine Atmospheric Climate change expert, na may forecast base sa isinagawang pag-aaral sa global warming ng Intergovernmental Panel on Climate Change, kung saan tataas ang temperatura sa 6 degrees centigrade globally pagsapit ng 2100.
Ayon kay Tibig, malaki din umano ang posibilidad na tataas sa 2 degrees centigrade ang temperature sa buong mundo pagsapit ng 2050. Ang lahat ng ito ay senaryo na mangyayari, kapag hindi naglabas ng kanilang “emission” ang mga mayayamang bansa.
Sinabi nito na dapat ay maghanda na ang gobyerno sa mga senaryong maaring idulot ng global warming, dahil nagsisimula ng maramdaman ang epekto nito sa buong mundo.
Kasabay nito, sinabi ni Tibig na malaki din ang posibilidad na maranasan natin muli ang katulad ng hagupit ng bagyong Ondoy. Aniya, mas marami at mas malalakas pang bagyo ang maaring mangyari
Kinumpirma ni Tibig na taon-taon ay tumataas ang temperature ng mundo dahil sa pakapal ng pakapal ang mga naiipong in house gases sa kalawakan at sa ngayon taon ay tumaas pa lamang ng .64 degrees centigrade ang temperatura.
Tinukoy din ni Tibig na sa Pilipinas malaki ang contributing factor ng paggamit ng coal sa paglikha ng power,at iba’t ibang maliliit na bagay na nakakapag-ambag sa paglikha ng mataas na carbon dioxide. Dapat umano ay matutunan ng pamahalaan na maibalanse ang lahat para makatulong tayo na makabawas sa naiipong in-house gases.
Samantala, pabor naman sina Manila City Administrator Jesus Mari Marzan at Chief of Staff at Manila Information Bureau chief Ric de Guzman na isama sa kurikulum sa elemetarya at high school ang pag-aaral hinggil sa global warming alinsunod na rin sa panukala ni 5th district councilor Lou Veloso.
Anila, mas magandang may nalalaman ang mga estudyante hinggil sa isyu upang mapaghandaan ang anumang sitwasyon.