MANILA, Philippines - Kinondena ng mga ma mamahayag na nakatalaga sa Progressive Tri-Media of Southern Metro (PTM-SM) ang lantarang paglabag sa malayang pamamahayag ng Southern Police District (SPD) bunsod na rin ng kautusan sa pagbawal sa mga ito na makakuha ng kopya ng “spot report” ng mga nangyayaring krimen sa distrito.
Ayon kay PTM-SM president Ariel Fernandez, malinaw na pagsikil sa “kalayaan sa pamamahayag” ang ipinatutupad ni SPD director Chief Supt. Jose Arne Delos Santos na pagbabawal na agarang makakuha ng spot report ng mga naganap na krimen sa mga presinto ng nasasakupan nitong mga lungsod kabilang ang Makati, Taguig, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, at bayan ng Pateros.
Maging ang District Tactical Operations Center (DTOC) ay hindi na rin nagbibigay ng detalye at naglalabas ng kopya ng journal na siyang pinagkukunan ng impormasyon sa nagaganap na mga insidente sa distrito kada araw.
Naniniwala naman ng PTM-SM na tila gustong salain ng pamunuan ng SPD ang mga balitang ilalabas o iyong mga “accomplishment” lamang habang itatago ang mga balitang makakasira sa kanilang imahe tulad ng mga insidente ng pangongotong, pagsalakay sa mga club na front ng prostitusyon at iligal na sugal na nauuwi sa aregluhan.
Sinabi pa nito na ilalapit ng PTM-SM ang isyu sa National Press Club upang kondenahin ang sistemang ipinatutupad ng SPD.