MANILA, Philippines - Isang taxi driver na hinihinalang biktima ng panghoholdap ang natagpuang patay at tadtad ng tama ng saksak sa katawan sa loob ng kanyang minamanehong sasakyan sa lungsod Quezon kahapon.
Kinilala ni SPO2 Rafael De Peralta, Investigation chief ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang biktimang si Medel Apacible ng no. 1565 B-Fabi Subd., Paco, Maynila.
Batay sa ulat, natagpuang patay at naliligo sa dugo sa loob ng A.A. Galang Taxi (TXK-702) ang biktima habang nakaparada sa isang bakanteng lote sa may Sta Lucia St., Quirino Highway bandang alas-5:30 ng madaling-araw. Nagtamo ito ng 20 saksak sa katawan.
Hinala ni De Peralta, posible umanong biktima ng panghoholdap ang biktima at pumalag ito kung kaya tinuluyang patayin sa pamamagitan ng pananaksak.
Isang Tito Sorca naman ang nag-usisa sa taxi kung saan nang lapitan niya ay saka bumulaga sa kanyang harapan ang duguang katawan ng biktima na nakaupo sa bandang likuran ng sasakyan.
Kasalukuyang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang QCPD para matukoy ang salarin na hinihinalang mga drug adik bunga ng uri ng pagpatay na ginawa ng mga ito.