MANILA, Philippines - Inaresto ang isang pintor ng mga operatiba ng Manila Police District-District Special Project Unit makaraang magpasaklolo sa tanggapan ng Manila Social Welfare and Development ang isang 15-anyos na dalagita na ginahasa umano nito sa San Andres Bukid, Maynila.
Naghihimas ngayon ng rehas na bakal ang suspect na si Mario Salis Legaspi, 45, residente ng 2485 Chromium St., San Andres, Bukid nang bitbitin ng mga operatiba sa pangunguna ni DSPU Operations Unit chief, C/Insp. Nicolas Piñon at MDSW chief, Jay dela Fuente.
Ayon kay Piñon, agad ikinasa ang operasyon laban sa suspect nang personal na dumulog ang biktimang itinago sa pangalang “Jenny”, 15, 3rd year high school student at tiyahin na si Cristina Cabael, 41, sa tanggapan ni dela Fuente upang ituro ang kinaroroonan ng suspect.
Dakong 1:30 ng hapon ng Setyembre 23, nang makipag-ugnayan ang grupo ni Piñon sa Operation Manager ng Everest Security Agency sa panulukan ng T.M. Kalaw at Bacobo Sts. at nakumpirma nito na naroon ang suspect.
Hindi na ito nakapalag nang positibong ituro ng biktima sa mga awtoridad na gumahasa sa kanya noong Setyembre 22, 2010 sa loob ng kanilang tahanan. Ito umano ang pinakahuling insidente ng panggagahasa ng suspect sa biktima.
Ayon sa biktima, noong taong 2008 pa siya sinimulang halayin ng suspect subalit hindi umano pinaniniwalaan ng sariling ina.
Hawak na ng Women and Children Concern Division ang pagsusulong ng pormal na reklamo sa Manila Prosecutor’s Office.