Bangkay ng babae isiniksik sa bag
MANILA, Philippines – Isang bangkay ng babae na pinaniniwalaang biktima ng summary execution ang natagpuan na na kasiksik sa malaking bag, kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Inilarawan lamang ang biktima na nasa edad na 18 hanggang 25-anyos, nakasuot ng puting sleeveless na blouse na may tatak na London Middlesex Archaeological Society at nakasuot ng panty.
Sa police report, dakong alas-6:30 ng umaga nang madiskubre ang bangkay sa may Road 38 Congress Village, Bagumbong.
Nabatid na isang Marionito Longalong ang nakakita sa bag na itim na may tatak na Billon Club. Dahil sa kuryosidad at pag-asa na makakita ng bagay na mapapakinabangan, binuksan nito ang bag kung saan tumambad ang bangkay ng babae.
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na pinatay sa sakal ang biktima bago iginapos ang magkabilang hita.
Isang sako rin ang nakuha sa bangkay na may nakasulat na “wag n’yo akong tularan, manloloko ako.”
- Latest
- Trending