MANILA, Philippines - Isang binata ang nasa kritikal na kondisyon matapos itong pagtripang barilin ng isang hinihinalang addict habang naglalakad ang una pauwi ng kanilang bahay kahapon ng madaling-araw sa Valenzuela City. Nilalapatan ng lunas sa Valenzuela City General Hospital (VCGH) ang biktimang si Emmanuel Yandoc, 29, ng Diam St., Road 3 Extension, Brgy. Gen. T. de Leon ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril. Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa hindi pa nakikilalang suspek. Naganap ang insidente dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng Caimito St., Santolan Road, Brgy. Gen. T. de Leon, ng nabanggit na siyudad. Hinala ng pulisya na posibleng napagtripan ng addict ang biktima at hanggang sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang nasabing kaso.