MANILA, Philippines - Himas-rehas ngayon ang isang computer technician na nag-sideline na mandukot matapos na arestuhin ng isang kagawad ng pulis na kanyang biniktima sa loob ng isang pampasaherong bus sa lung sod Quezon kamakalawa.
Kinilala ang suspect na si Phegie Mas, 26, ng Sapang-Alat, Pangarap Village, Caloocan City. Habang pinaghahanap naman ang kasama nitong mabilis na tumakas.
Siya ay inaresto ng pulis na si PO1 Eric San Diego, 29, nakatalaga sa Bulacan Police station at residente sa Rodriguez Sr., Blvd., Brgy. Damayan Lagi sa lungsod.
Ayon sa imbestigasyon, nangyari ang insidente sa may kahabaan ng EDSA corner Scout Borromeo ganap na alas-8:15 ng gabi.
Diumano, kapwa sakay ng isang pampasaherong bus ang biktima at mga suspect nang dukutan ng huli ang una. Sinasabing naramdaman na lamang ng pulis na may dumukot sa kanyang pitaka na nakalagay sa likod ng pantalon at nang kanyang lingunin ay nakita niyang ipinasa ito ni Mas sa isa pang kasama.
Dahil dito, agad na dinakma ng pulis si Mas habang ang kasama naman nito ay mabilis na lumundag palabas ng bus at tumakas dala ang wallet ng una.
Patuloy ang manhunt operation ng QCPD laban sa isa pang suspect.