Dayuhan nanghabol ng saksak sa NAIA
MANILA, Philippines - Nag-ala-Rambo ang isang dayuhan matapos itong manghabol ng saksak sa mga pasaherong dumarating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2 kaya napilitan ang mga awtoridad dito na tirahin siya ng taser gun.
Ang nagwalang banyaga ay nakilalang si A-Kim Mursalaet, pero hindi pa malaman ng Immigration kung ito nga ang tunay na pangalan ng una.
Si Mursalaet ay bumulagta ng tamaan ng electric shock mula sa taser gun at nawalan ng ulirat hanggang sa bitbitin at ibiyahe patungo sa Bicutan detention cell ng BI.
Nabatid na pitong buwan ng nasa isolation room ng NAIA terminal 2 si Mursalaet matapos na makuwestiyon ng immigration intelligence ang kanyang nasyonalidad.
Si Mursalaet ay nadiskubre ng BI na may dalawang hawak na pasaporte, isang South African at Russian, nang dumating ito sa Manila.
Ayon kay NAIA terminal 2 Immigration duty supervisor Augusto Morales, nakatakda na sanang ihatid sa Bicutan immigration detention cell ang dayuhan nang humiling itong pumunta ng comfort room saka nagtagal doon.
Ilang minuto itong nagkulong sa comfort room bago ito lumabas at nang hahawakan na siya ng mga awtoridad ay bigla itong nagpumiglas at nagwala sabay halihaw ng kanyang hawak na nail file sa mga ahente ng bureau at ilang nabiglang pasahero.
Sa gitna ng panghahabol nito ng saksak nakatawag agad si senior Immigration agent Efren Labiang sa mga tauhan ng airport police detection & reaction division kung saan ginamitan ang dayuhan ng taser gun.
Matapos mawalan ng ulirat si Mursalaet ay mabilis na isinasakay para ihatid sa Bicutan detention cell.
Napag-alaman na itinanggi ng Russian Embassy at South African Embassy na mayroon silang nasyonalidad na katulad ni A-Kim Mursalaet.
- Latest
- Trending