MANILA, Philippines - Emosyonal na humarap sa media kahapon si Manila Mayor Alfredo S. Lim nang hingan ng reaksiyon hinggil sa naging rekomendasyon ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) na makasuhan ang mga miyembro ng Manila Police District-Special Weapons and Tactics (SWAT) na kabilang sa assault team sa naganap na hostage incident na ikinasawi ng walong HongKong nationals at ng hostage-taker na si Senior Insp. Rolando Mendoza noong Agosto 23.
Lumuluhang sinabi ni Lim na: “Pulis lang ang nagpapakamatay , pulis lang and yet…sige kung walang pulis na magreresponde dito ngayon kung sakaling ma-hostage kayong lahat dito,anong mangyayari. Ang pulis paglabas pa lang sa bahay ang isang paa nasa hukay na.”
Sinabi ng alkalde na kung sa palagay ng IIRC ay may kasalanan talaga siya sa nangyari ay nakahanda siyang tanggapin ang demanda subalit hindi umano dapat na kasuhan pa si Moreno dahil ginawa nito ang lahat ng paraan upang maisalba ang mga hostages at mismong ang hostage-taker.
Tahasang sinabi ng alkalde na wala siyang hurisdiksiyon sa police operation dahil sa logistic lang ang hawak nila kaya hindi na niya pinanghimasukan ang trabaho ng mga pulis, na buo naman ang tiwala niya sa kakayahan. Hindi naman sang-ayon si Lim dahil hindi pinakakasuhan si SPO2 Gregorio Mendoza, kapatid ng hostage-taker, dahil ito ang nagpagulo ng siwasyon kaya nauwi sa palpak ang insidente.