LBC outlet, Western Union hinoldap
MANILA, Philippines - Nagiging paborito ng grupo ng holdaper na looban ang LBC outlet makaraang isa na namang branch nito ang pinasok at natangayan ng tinatayang P85, 000 na perang ipapadala ng mga kostumer nito, kamakalawa ng hapon sa Mandaluyong City.
Dumulog sa tanggapan ng Mandaluyong Police ang biktimang si Nestor Cruz, 52, customer associate ng LBC sa may Bulalakaw St., Brgy. Plainview, kung saan iniulat nito ang naganap na panloloob.
Sa ulat ng pulisya, sinabi ni Cruz na dakong alas-3 ng hapon nang pumasok ang tatlong lalaki at agad siyang tutukan ng baril ng isa sa mga ito. Isa umano sa mga ito ang bumitbit sa kanya at isinalya siya sa loob ng silid at saka ikinandado.
Nagawa namang makalabas sa establisimento ni Cruz sa pagdaan sa bintana sa kuwarto at humingi ng tulong sa mga awtoridad. Ngunit hindi na naabutan ng pulisya ang mga suspek na nagawang makatakas bitbit ang P85,000 salapi.
Matatandaan na pinasok rin ng mga armadong holdaper ang isa pang LBC outlet sa Pasay City kung saan tinangay na ang higit sa P110,000 kita nito ay minolestiya pa ang seksing teller nito ng isa sa mga salarin.
Samantala, isang sangay ng Western Union money transfer ang hinoldap din ng tatlong armadong kalalakihan sa lungsod Quezon at tinangay ang hindi pa mabatid ng halaga ng salapi na kinita nito, iniulat kahapon.
Ganap na alas-4 ng hapon nang holdapin ng mga suspect ang nasabing establisimento na matatagpuan sa Quirino Highway, Brgy. Gulod, Novaliches. Sa pagsisiyasat, lumilitaw na nagyari ang panghoholdap nang pumasok ang mga suspect sa naturang tanggapan at nagkunwaring mga kliyente. Ilang sandali, bigla na lamang umanong naglabas ng mga baril ang mga suspect sabay deklara ng holdap.
Isa sa mga suspect ang agad na pumasok sa cashiers booth na binabantayan ng mga teller na sina Cristy Layugan, 25, at Alvin Uy, 24 saka puwersahang dinala ang mga ito sa comfort room at pinaghubad ng pang-itaas pababa sa kanilang bewang.
Habang ang dalawa namang suspect ang nanglimas sa hindi pa mabatid na halaga ng pera na nasa kaha, bago tuluyang nagsipagtakas.
- Latest
- Trending