MANILA, Philippines - Matapos ang ilang ulit na pagsalakay sa mga nagbebenta ng botcha, sa unang pagkakataon ay nadakip ng mga tropa ng Quezon City Police at City Health Department ang dalawa katao na pinaniniwalaang responsable sa pagbebenta nito sa Balintawak sa lungsod kahapon.
Kasabay nito ang pagkakasamsam sa may 1, 400 kilo ng double dead na karne sa isinagawang pagsalakay.
“Big Fish!” Ito ang turing ni Dr. Ana Marie Cabel ng Veterinary Office ng city health department sa mga naarestong sina Rose Garcia, 30, dalaga, ng Guiguinto, Bulacan at Raymund Roxas 26, ng F. Santos St. Wawa, Balagtas, Bulacan dahil sa paniwalang sila ang ugat kaya hindi mahinto ang bentahan ng botcha o double dead meat sa nasabing palengke.
Ayon kay Cabel, matagal na nilang tinutugis ang pinanggagalingan ng nasabing mga karne sa bawat operasyon na kanilang ginagawa, dahil sa madalas na pawang mga vendors lamang ang kanilang nakukuha.
Kaya naman, dagdag ni Cabel, sa pagkaka-aresto sa dalawa ay naniniwala silang pansamantalang mapipigilan ang pagpapakalat nito.
Sinasabi naman ni QCPD director Chief Supt. Benjardi Mantele, naging madalas ang operasyon ng kanilang tropa dahil sa sumbong na rin ng mga concerned citizen na nakabili ng nasabing karne.
Dagdag ng heneral, naging bagsakan ng mga suspect ng kanilang iligal na paninda ang Balintawak dahil malapit lamang anya ito sa mga probinsya na galing sa Norte, tulad ng Bulacan.
Sa pagsisiyasat, may kabuuang 1,400 kilos ng karneng botcha ang nasamsam ganap na alas-2:30 ng madaling-araw.