MANILA, Philippines - Sugatan ang isang miyembro ng hiphop band na Salbakuta matapos na umano’y puluin ng baril ng isa ding rapper sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ang insidente ay nabatid makaraang dumulog sa tanggapan ng Police Station 1 ng Quezon City si Rommel Tejada, alyas Vendetta ng Salbakuta at residente ng Quiricada, Gagalangin Tondo Manila upang magreklamo laban sa isang Nikko Sin-on, umano’y rapper na alyas D-coy.
Sa reklamo ni Tejada, pinalo umano siya ng baril sa ulo ng suspect matapos magkita sa isang kainan sa La Loma, sa lungsod ganap na alas-3 ng madaling-araw.
Lumilitaw sa pagsisiyasat ng pulisya, nangyari ang insidente sa may harap ng Pares Mami house sa Retiro St., corner Dr. Alejos St., La loma sa lungsod.
Sinasabing kapwa kumain sa nasabing kainan ang biktima at si Sin-on kasama ang dalawa pa, kung saan nang matapos ang una ay tumayo ito at bago tuluyang umalis ay binati ang huli. Subalit, sa halip na gumanti ng bati ay sinuntok umano ni Sin-on si Tejada dahilan para itulak niya ito. Dito na umano naglabas ng baril si Sin-on at hinampas ang biktima, saka tumakas.
Agad namang itinakbo si Tejada sa Jose Reyes Memorial Medical Center para malapatan ang sugat na natamo nito sa ulo.
Ayon kay Tejada, matagal nang may galit si Sin-on sa kanila dahil lamang sa isang kanta na hindi nila batid na nakaapekto sa kanya.
Inihahanda na ang kasong physical injuries, illegal possession of firearms, at grave threat laban sa suspect na rapper.