MANILA, Philippines - Hinatulan ng 14 na taong pagkabilanggo ang isang lalaking namaril na ikinasugat ng isang customer, sa Parola compound, Binondo, Maynila, may apat na taon na ang nakalilipas.
‘Guilty’ ang hatol ni Manila Regional Trial Court, Branch 52 Judge Antonio Rosales sa akusadong si Pablito Pationag Jr., sa kasong frustrated murder at inatasan din siyang magbayad ng halagang P25,000 para sa exemplary damages sa biktimang si Bonifacio Lebrilla.
Si Lebrilla ay naospital matapos magtamo ng bala sa kaliwang hita nang masapul sa walang habas na pagpapaputok ni Pationag noong gabi ng Hulyo 23, 2006 habang bumibili ng barbeque.
Hindi pinatulan ng korte ang alibi ng akusado na no ong maganap ang insidente ay nasa Samar ito hanggang Disyembre ng 2006.
Sa halip, ang detalyadong testimonya ng biktima ang kinatigan ng hukom, na namukhaan niya ang akusado dahil sa maraming street lights, maliban pa sa ilaw ng barbeque stall at nakilala din niya ang mga kasamahan ni Pationag bagamat hindi maalala ang mga pangalan.