MANILA, Philippines - Dahil umano sa mga patutsada at pagmumura, tuluyang pinatahimik ang isang 58-anyos na barangay tanod ng isang ’di pa kilalang ka-lugar nito na tumakas matapos ang isinagawang pamamaril sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Dead-on-the-spot ang biktimang na si Saveryano Dalde, ng Building 9, Temporary Housing, Tondo, Maynila, sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa katawan.
Nabatid sa maybahay ng biktimang si Aling Virginia, 58, na maysakit ang kanyang asawa at lumabas lamang ng bahay para sawayin ang anak na napa-trouble sa kapitbahay.
Wala namang nais magturo o magsalitang kapitbahay hinggil sa pagkakakilanlan sa suspect na bumaril sa biktima.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:30 ng hapon nang maganap ang pamamaril sa biktima sa loob ng temporary housing sa building 19.
Galit na nagmumura at panay umano ang pasaring ng biktima sa mga kapitbahay matapos umalis ang kanyang anak na may nakasagutang kapitbahay. Lasing umano ang anak na naawat ng biktima sa pagwawala.
Posible umanong isa sa kapitbahay ng nasawi ang nairita sa mga binitiwang salita ng tanod at habang nasa pasilyo ang biktima ay sinalubong ito ng putok ng baril hanggang sa tuluyang humandusay.
Tikom naman ang bibig ng mga kapitbahay kung sino ang posibleng pumaslang sa biktima.
Gayunman, patuloy na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya hinggil sa naganap na insidente.