Sekyu pinatay sa bugbog ng kapwa mga sekyu

MANILA, Philippines - Masusing iniimbestiga­han ng  pulisya ang pama­mas­lang sa isang 69-an­yos na security guard ng tatlong hindi pa kilalang unipormado ring security guards, nang sadyain ito sa kanyang binaban­tayang establisimento, kamaka­lawa ng gabi  sa Sam­pa­loc, Maynila.

Binawian ng buhay ha­bang ginagamot sa United Doctors Medical Center (UDMC) ang biktimang si Loreto Garcia, ng Mighty Guardian Security Agency, at residente ng Winston Heights Subdivision, Brgy. Banlat, Quezon City bunga ng mga tinamong mga pasa at sugat sa katawan dahil sa pambubugbog.

Isang alyas Castro lamang ang napangalanan sa tatlong suspect na agad tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, da­kong alas-9:15 ng gabi nang maganap ang insi­dente sa bakanteng gusali ng Angeles Building, na matatagpuan sa #2264 España Blvd., Sam­paloc.

Posibleng itinaon uma­no ng mga suspect na madilim ang paligid dahil sa brown out sa lugar nang pa­sukin ang Angeles building.

Posibleng hindi umano napansin ng matandang sekyu ang presensiya ng tatlo hanggang sa pagtulu­ngan itong bugbugin ng tatlo at kaladkarin papala­bas ng gusali at iniwan na lamang nang matiyak na patay na ito.

Nadaanan naman ang nakabulagtang biktima ng isang taxi cab kaya ipina­alam sa pulisya.

Ayon sa anak ng bik­tima na si Roberto Garcia, wala siyang alam na atraso ng ama sa ibang tao, ma­liban sa pagka­panalo umano ng kanyang ama sa kasong isinampa laban sa dating security agency nito sa kasong illegal dis­missal.

Nabatid din sa anak ng biktima na inatasan ang dating agency na bayaran ang biktima ng P200,000 bilang danyos subalit tu­ma­tawad umano ang ahensiya.

Ayon pa sa pulisya, hindi pa tiyak ang motibo kaya patuloy pa itong sisi­ya­satin.

Show comments