Sekyu pinatay sa bugbog ng kapwa mga sekyu
MANILA, Philippines - Masusing iniimbestigahan ng pulisya ang pamamaslang sa isang 69-anyos na security guard ng tatlong hindi pa kilalang unipormado ring security guards, nang sadyain ito sa kanyang binabantayang establisimento, kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa United Doctors Medical Center (UDMC) ang biktimang si Loreto Garcia, ng Mighty Guardian Security Agency, at residente ng Winston Heights Subdivision, Brgy. Banlat, Quezon City bunga ng mga tinamong mga pasa at sugat sa katawan dahil sa pambubugbog.
Isang alyas Castro lamang ang napangalanan sa tatlong suspect na agad tumakas matapos ang insidente.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-9:15 ng gabi nang maganap ang insidente sa bakanteng gusali ng Angeles Building, na matatagpuan sa #2264 España Blvd., Sampaloc.
Posibleng itinaon umano ng mga suspect na madilim ang paligid dahil sa brown out sa lugar nang pasukin ang Angeles building.
Posibleng hindi umano napansin ng matandang sekyu ang presensiya ng tatlo hanggang sa pagtulungan itong bugbugin ng tatlo at kaladkarin papalabas ng gusali at iniwan na lamang nang matiyak na patay na ito.
Nadaanan naman ang nakabulagtang biktima ng isang taxi cab kaya ipinaalam sa pulisya.
Ayon sa anak ng biktima na si Roberto Garcia, wala siyang alam na atraso ng ama sa ibang tao, maliban sa pagkapanalo umano ng kanyang ama sa kasong isinampa laban sa dating security agency nito sa kasong illegal dismissal.
Nabatid din sa anak ng biktima na inatasan ang dating agency na bayaran ang biktima ng P200,000 bilang danyos subalit tumatawad umano ang ahensiya.
Ayon pa sa pulisya, hindi pa tiyak ang motibo kaya patuloy pa itong sisiyasatin.
- Latest
- Trending