MANILA, Philippines - Nadakip ng mga tauhan ng MPD-District Special Project Unit ang apat katao na sangkot sa bigong pagpatay sa isang pulis-Maynila. Kinilala ang mga suspect na sina Perla dela Cruz, 69, Jean dela Cruz Cortez alyas “Jake”, 24 ‘mastermind’, Ricardo Tubongbangua Jr., alyas “Spoiled, 25, ‘hitman’,at Jacqueline de Vera, 19. Sila ay inireklamo ng attempted murder ni PO3 Manuel Pimentel, alyas “Batotoy” Special Action Force (SAF) Batch 91 at kasalukuyang nakatalaga sa MPD.
Narekober ang isang kalibre 38 baril mula kay alyas Spoiled at ang naka-print na litrato ni Pimentel sa isang coupon bond at sa likod ay may sulat-kamay ng mastermind na nagsasaad ng plate number, kulay at deskripsiyon at drawing ng sasakyang pag-aari ni Pimentel. Hindi na naging respondents sa kaso sina Justine Lopez alyas “Tirik”, 18 at Ramir Erespe, 25 alyas “Oxo”, kapwa ng Hermosa, Tondo, Maynila matapos umamin na tumanggap sila ng initial na bayad sa apat. Sa halip, naging complainant at testigo sina Lopez at Erespe nang magpasaklolo kay Pimentel at sa DSPU hinggil sa pamamaril sa kanila ng suspect na si Tubongbangua, na inupahan umano ni Cortez na patayin sila dahil sa hindi pa naitutumba si Pimentel hanggang Set. 14.
Nabatid din kina Erespe at Lopez na si De Vera umano ang kasama ni Cortez upang kumbinsihin sila na patayin si Pimentel at nagpadownload pa umano si Cortez kay De Vera ng litrato ni Pimentel upang matumbok ang mukha ng itutumba. Dahil sa hindi napatay si Pimentel, si JR Spoiled naman ang inupahan ni Cortez at magkakapatid na dela Cruz, kapwa tiyuhin at tiyahin ni Cortez ang magkakasabwat umano sa plano at itinuro din ang lola (Perla) na minsang nag-abot pa ng dagdag na P2-libo at nagsalita na siguruhin lang na mapapatay si Pimentel para makakuha pa ng dagdag na pera. Nais ipatumba ang parak makaraang dalawang beses na pagsabihan nito na huwag sa Tambunting ‘maglalarga’ ng shabu ang isa pang suspect na si Luis dela Cruz, tiyuhin ni Cortez.