Trader inutas sa harap ng misis at anak
MANILA, Philippines - Isang negosyante ang nasawi makaraang pagbabarilin ng riding in tandem sa harap mismo ng asawa at anak nito sa lungsod Quezon kamakalawa. Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Jimmy Mangadas, 38, miyembro ng Barangay Police Security Office (BPSO) ng 7 Latundan St., Talanay sa lungsod.
Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may Kagawad Road, Talanay B, Brgy. Batasan Hills ganap na alas-8 ng gabi.
Diumano, sakay ng kanilang tricycle ang biktima kasama ang asawang si Rodora at anak na si Carren at helper na si Roderick Marco papauwi, nang harangin sila ng isang motorsiklo na sinasakyan ng mga suspect.
Ayon kay Rodora, nakita umano niya ang dalawang lalake na bumaba sa motorsiklo kung saan isa sa mga ito ang lumapit at walang sabi-sabing binaril ang kanyang asawa, pero nagmintis.
Sa pagmintis ng naturang suspect, ay agad na nakababa ng tricycle ang biktima, ngunit isa pa sa kasamahan ng una na nasa kabilang kalye umano ang lumapit sa huli at pinagbabaril ito. Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspect gamit ang kanilang motorsiklo.
- Latest
- Trending