MANILA, Philippines - Umabot sa 190 pasaway na katao ang natikitan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos na maaktuhang nagkakalat sa unang araw ng pagpapatupad ng Anti-Littering Law, kamakalawa.
Sa ulat ng MMDA Health and Sanitation Division, karamihan sa mga naaresto ay mga pasimpleng nagtatapon ng mga maliliit na basura tulad ng balat ng candy, upos ng sigarilyo, balat ng mga pagkain na maaari namang ibulsa muna at saka itapon sa mga basurahan. Maging ang ilang mga tsuper na walang basurahan sa loob ng kanilang pampasaherong jeep ay tinikitan rin ng MMDA.
Inisyuhan ang mga ito ng Environment Violation Receipt (EVR) kung saan may tatlong araw ang mga ito para magmulta ng P500-P1,000 at kung mabibigo ay maaaring sampahan ng kasong kriminal. Hindi rin naman makakakuha ng clearance mula sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga hindi makakapagbayad ng multa.
Maaari rin namang hindi magmulta ang mga violator kung gagawa ng community service o maglilinis ng foot bridge, estero o bangketa mula walo hanggang 16 oras.
Inumpisahan ang operasyon sa bisinidad ng Ever Gotesco Mall, Light Rail Transit-Monumento Station sa Caloocan City at iikot sa iba pang matataong lugar sa Metro Manila.
Nabatid na naka-uniporme ng “mint green polo shirt” na may MMDA logo ang mga enforcer na nakatutok lamang sa panghuhuli sa mga nagkakalat. May kasama rin namang photographer at recorder ang grupo ng MMDA upang mai-rekord ang panghuhuli upang hindi magkaroon ng lagayan o iba pang pag-abuso.
Dati na itong ipinatupad ng pamahalaan ngunit nasuspinde noong taong 2003. Muli itong binuhay ng MMDA matapos na maalarma dahil sa tone-toneladang basura na bumabara sa mga daluyan ng tubig sa Metro Manila na pangunahing sanhi ng matinding pagbabaha tuwing umuulan at hindi na maulit ang trahedya na noong pagsalanta ng bagyong Ondoy.