MANILA, Philippines - Patay ang isang 33 -anyos na lalaki na sinasabing pamangkin ni dating PNP chief Oscar Calderon matapos hambalusin ng lead pipe sa ulo nang makulitan umano ang mga waiter ng isang KTV bar sa Quezon Boulevard, Quiapo, Maynila iniulat kahapon. Kinilala ang nasawi na si Ronaldo Calderon, cook ng Chowking-Nagtahan Branch at residente ng Prudencia st. Tondo, Maynila. Arestado naman ang mga suspect na sina Jonathan Lico, 32, officer-in-charge ng Sovent KTV bar; Lawrence Manlulu, 18; Danny Canete, 26; at Larry de Mesa, 36.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente noong Setyembre 8, dakong alas-4 ng madaling-araw subalit iniulat lamang sa kanilang tanggapan noong Set. 12, kung kailan idineklarang patay na sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRRMC) ang biktima, matapos itong ma-comatose sa loob ng apat na araw. Nang imbestigahan ang ka-trabaho na si Allan Arellano, na huling kasama at kainuman ng biktima, isinalaysay nito na noong Set. 8, lasing na umano ang biktima at nang punitin nito ang bill na ibinigay ng waiter at nagwala pa ito kaya pinagtulungang gulpihin. Iniwan umano niya ang biktima sa loob ng Solvent KTV bar sa takot na magulpi din.
Kahapon ng madaling-araw, dakong alas-4 nang tunguhin ang nasabing bar at doon ay napilitang magsalita na ang security guard, na nagbunyag na mga kasamahang waiter at OIC ng bar ang nasa likod ng panggugulpi sa biktima. (Ludy Bermudo with trainee Diana Rose Rolusta)