MANILA, Philippines - Hindi pa rin pinagbigyan ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) ang kahilingan ni road rage suspect Jason Ivler na makapagpa-ospital dahil sa sakit na colostomy.
Ito ay makaraang mabigo ang kanyang abogado na sundin ang kasunduan na itinakda ng prosekusyon hinggil dito.
Inisnab ng bagong hukom na may hawak ng kaso ni Ivler na si QCRTC Branch 219 Judge Bayani Vargas ang request ni Ivler dahil ito ay premature.
May usapan kasi at nagkasundo ang mga ito sa sinasabi ng prosekusyon na hindi sila tumatanggi na maipa -ospital si Ivler pero kailangan muna nilang magprisinta ng saksi na magtuturo sa akusado na siyang bumaril at nakapatay sa biktimang si Renato Ebarle, Jr.
Sinabi ni Judge Vargas na sasagutin niya ang urgent motion ni Ivler para makapagpa-ospital pero kailangan munang gawin ang napagkasunduan ng magkabilang panig.
Sinasabi naman ng depensa na ang usapin sa medical condition ni Ivler ay hindi dapat isalang sa pagbusisi bagkus ay gawan ng paraan na maipagamot sa ospital ang akusado.
Si Ivler ang akusado sa pagpatay kay Ibarle Jr. noong Nobyembre 18, 2009 sa isang away sa trapiko.