Kompanya nagpupuslit ng langis kinasuhan ng BOC
MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong smuggling ng Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ) ang isang kompanyang nag-iimport ng langis na hindi nagbabayad ng tinatayang 700 milyong pisong buwis.
Kabilang sa mga kinasuhan sina Paul Chi Ting Co, chairman at may-ari ng Oil Link International Corp. na matatagpuan sa 2701 West Tower, Philippine Stock Exchange (PSE) Center, Ortigas Center Pasig City.
Kakasuhan din ang Presidente ng kompanya na si Esther Magleo at ang import and finance manager nito na si Janice Co Reyes.
Base sa nakalap na dokumento ng BOC, nag-angkat ang kompanya ng 35 milyong litro ng diesel fuel mula sa Korea noong 2004 katumbas ng 220 libong Bariles o 29 na libong metriko tonelada.
Subalit lumilitaw na 23 libong metriko tonelada o 177 libong bariles lamang ang idineklara ng oil link gamit ang palsipikadong dokumento.
Sinabi naman ni Customs Commissioner Angelito Alvares na maituturing na major breakthrough ang pagsasampa ng kaso sa mga nabanggit dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na nahubaran ng BOC ang modus operandi na isang paraan ng pandaraya na umano’y maaring isinasagawa ng ilang mandarayang oil industry players.
- Latest
- Trending