MANILA, Philippines - Binaril at napatay ang isang 67-anyos na lolo ng dalawang lalaking magka-angkas sa isang motorsiklo habang ang una ay nakikipag-inuman sa ilan nitong kapitbahay kamakalawa sa Caloocan City. Dead-on-arrival sa Bernardino Hospital sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktimang si Margarito Comedero, nakatira sa Kingstown, Bagumbong ng lungsod na ito. Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa dalawang hindi pa nakikilalang mga suspek. Naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi malapit sa bahay ng biktima sa nabanggit na lugar. Nabatid na nakikipag-inuman ang biktima sa ilang kapitbahay nito, nang sumulpot ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo (PL-2119). Agad na pinaulanan ng bala ng gunman ang biktima bago tumakas. Inaalam na ng mga pulis ang motibo ng nasabing krimen.