MANILA, Philippines - Dead-on-arrival sa pagamutan ang isang 53-anyos na traffic enforcer makaraang barilin ng nakababatang kapatid dahil lamang sa away-pamilya sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktimang si Ricardo Castillo, miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at residente ng Pilapil St., Tondo.
Tinutugis na ng pulisya ang suspect na utol na si Rolando Castillo, 45, kapatid ng biktima at residente rin ng lugar.
Sa ulat ni PO1 James Lagasca ng Manila Police District-Homicide Section, dakong ala-1:30 ng madaling araw nang tawagin ang nasawi ng anak niyang babae upang awatin ang pag-aaway ng anak na si Jerick at ng suspect.
Lasing umano ang suspect nang dumating bago nito nakasagutan ang anak ng biktima subalit naawat ito ng biktima sa labas ng bahay.
Nang pumasok na sa loob ng bahay ang biktima ay nagsisigaw sa labas ang suspect at hinahamon ng suntukan ang kanyang kuya.
Dahil ayaw patulan, nag-init ang ulo ng lasing na suspect at pumasok sa bahay at saka nagpaulan ng bala ng baril na ikinatama ng biktima sa likod. Nagdapaan umano ang iba pang miyembro ng pamilya nang makarinig ng alingawngaw ng mga putok ng baril.
Sa record ng Manila City Hall personell’s office, nakatalaga ang biktima sa Sector 5 at may dalawang taon na itong naninilbihang traffic enforcer.