MANILA, Philippines - Isang taxi driver ang nasa malubhang kalagayan makaraang gilitan ng mga holdaper niyang pasahero sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ang biktima na nakaratay ngayon sa Novaliches District Hospital ay kinilalang si Camilo Dulot, 31, stay-in sa 8 St. Mary St., Provident Village, Marikina City.
Ayon kay SPO1 Diosdado Rosero, desk officer ng Fairview Police Station 5 ng QCPD, nangyari ang insidente sa may Dahlia St., tapat ng FEU Hospital ganap na alas-9 ng gabi.
Bago ito, sumakay umano ang dalawang suspek sa Manila Trans Taxi (UVC-754) na minamaneho ng biktima sa may Philcoa at nagpahatid sa Fairview.
Pagsapit sa tapat ng FEU Hospital ay biglang nagbunot ng patalim ang mga suspect sabay tutok sa leeg ng biktima at nagdeklara ng holdap.
Nang pumalag ang biktima ay saka ito ginilitan ng mga suspect, bago binuhat at inilagay sa compartment ng taxi, at pinatakbo ito hanggang sa makarating sa may Novaliches at doon na inabandona.
Nang maramdaman ng biktima na hindi na sila tumatakbo at sa kabila ng sugat na tinamo ay binuksan nito ang compartment at mabilis na bumaba saka humingi ng tulong sa mga awtoridad at madala ito sa nasabing ospital para magamot.
Napag-alamang, umaabot sa P2,700 pera ang natangay ng mga suspect sa biktima na kinita nito sa buong maghapon.
Patuloy ang pagsisiyasat ng awtoridad sa nasabing insidente.