MANILA, Philippines - Patay sa ambush ang isang babaeng negosyante matapos na barilin sa ulo ng isang hindi nakikilalang lalaki sa lungsod Quezon kamakalawa.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police, nakilala ang biktima na si Regina Morilla, 49, dalaga, tubong Misamis Occidental at residente sa #003 Victoria St., Brgy. Gulod, Novaliches sa lungsod.
Lumilitaw na naganap ang insidente sa panu lukan ng Villareal at Victoria Sts., ng nasabing barangay ganap na alas-7:30 ng gabi.
Ayon kay Elizabeth Cruda, naghahanda siya ng hapunan nang makarinig siya ng malakas na putok ng baril mula sa labas ng kanyang bahay.
Agad na lumabas si Cruda upang alamin kung ano ang dahilan ng putok, hanggang sa tumambad sa kanya ang biktima na nakahandusay sa kalye at naliligo sa sarili nitong dugo.
Mula dito ay nakita niya ang isang lalake na may bitbit ng baril na tumatakbo at hinahabol ng mga istambay sa lugar.
Hindi naman nagawang malapitan ng mga istambay ang suspect dahil pinaputukan sila nito kung kaya nagawa nitong makatakas sa lugar.
Sa ngayon, inaalam pa ng mga operatiba ng CIDU ang tunay na motibo ng nasabing pamamaslang sa biktima.