MANILA, Philippines - Sugatan ang dalawang bumbero habang inaapula ang sunog sa isang dating publication sa Makati City kahapon ng umaga.
Kinilala ang mga biktimang sina Fire Officer 3 Artemio Limosenero at Senior Fire Officer 2 Serafico, kapwa nakatalaga sa Makati City Fire Department. Nilapatan ang mga ito ng lunas sa isang pinakamalapit na pagamutan.
Sa inisyal na report ng Makati City Fire Department, nag-umpisa ang sunog dakong alas-10:45 ng gabi sa dating publication ng Liwayway Magazine, na pag-aari ng Manila Bulletin, sa Liwayway Building, kahabaan ng Chino Roces Avenue (dating Pasong Tamo), Makati City.
Nabatid na habang inaapula ng mga biktima ang malakas na apoy, napako ang paa ni Limosenero, samantalang si Serafico naman ay hinimatay matapos itong ma-suffocate dahil sa matinding usok.
Umabot sa Task Force Alpha ang sunog habang inaalam pa ng mga kagawad ng tagapamatay-sunog kung ano ang pinagmulan ng apoy.
Inaalam pa rin kung magkano ang halaga ng mga ari-ariang naabo.