Daga bibilhin vs leptospirosis
MANILA, Philippines - Bunsod na rin ng pagdami ng kaso ng leptospirosis sa bansa, isang paraan naman ang nakikita ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela upang maiwasan ito.
Batay sa isinusulong na resolusyon ni Valenzuela City Liga ng mga Barangay President, Councilor Alvin Feliciano, layon nitong bayaran ng lokal na pamahalaan ang mga dagang mahuhuli ng mga residente sa buong lungsod upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na leptospirosis.
Ayon kay Feliciano, hind dapat ipagsawalang-bahala ang pagkalat ng sakit na leptospirosis dahil isa ito sa mga sakit na labis na nakakaapekto sa kalusugan at maaari ring ikamatay ng taong dadapuan nito.
Aniya, kadalasang nakukuha ang sakit na ito sa mga dagang apektado ng leptospirosis sa pamamagitan ng pagsama ng ihi nito sa tubig-baha na siyang pumapasok naman sa katawan ng tao na dumadaan sa mga sugat o galos.
Dahil dito, muling isinulong ni Feliciano sa Sangguniang Panglungsod ang ordinansang pinamagatang “Anti-Rodent Campaign or Catch The Rat Ordinance” na isang paraan upang mahuli ang mga dagang may dalang mikrobyo ng sakit na leptospirosis.
Giit ni Feliciano, isa lamang ang Valenzuela City sa mga lugar sa Metro Manila na madalas na maapektuhan ng pagbaha kaya’t hindi imposibleng kumalat ang sakit na leptospirosis sa katawan ng tao ng hindi man lamang nito namamalayan.
Base sa Department of Health (DOH) ang mga taong dinadapuan ng sakit na leptospirosis ay nagkakaroon ng mataas na lagnat, pagsakit ng ulo, panginginig ng katawan at kasu-kasuan, pagsusuka, paninilaw ng katawan at pamumula ng mata, pananakit ng tiyan, pagtatae at pagkakaroon ng mga galos sa buong katawan.
Maaari ring pumasok ang bacteria ng leptospirosis sa pamamagitan ng pagdaan nito sa mata, bibig, ilong at ang pagkain ng mga kontaminadong pagkain at pag-inom ng tubig na nahaluan ng ihi ng daga.
Sakaling maaprubahan sa Sangguniang Panglungsod ang naturang ordinansa, ang mga dagang mahuhuli na tumitimbang ng kalahating kilo pababa ay babayaran ng halagang P5 habang P10 naman para sa mga dagang mahuhuli na may timbang na kalahating kilo pataas.
Pangangasiwaan naman ng city health office ang “proper disposal” sa mga dagang mahuhuli ng mga residente habang aakuin naman ng lokal na pamahalaan ang pagbabayad sa mga ito.
- Latest
- Trending